Sunday, March 23, 2008

Mga Bayarang Raliyista, Magsimula Tayo…

Kahirapan ang problema ko, kahirapan ang problema ng buong bayan. May mga handang tumulong, pero sa iba’t-bang paraan. Sa katulad kong mahirap, walang sapat na edukasyon at walang nakikitang pagkakataon para umasenso, nakakapanabik ang madaliang pera at libreng pagkain kahit sa isang araw lang. Ako ay isang kahig-isang tuka… at kung minsan ay wala pa. Galit ako sa mga pulitiko. Puro sila pangako kapag nangangampanya, wala naman silang ginagawa para umasenso ang buhay ko. Galit ako sa gobyerno. Walang trabaho, walang pabahay at walang tulong na maasahan. Galit ako sa mayayaman dahil sila lang ang may oportunidad.


Isang araw, niyaya ako ng ka-tropa ko sa isang pagpupulong. Kikita daw kami ng pera. Marami sa amin ang dumalo, palibhasa lahat kami gustong magkapera. Dagdag pa, may libreng pagkain daw. Sa pagpupulong, may mga nagsalita at nakumbinsi. Kaya daw kami naghihirap ay dahil sa gobyerno. Kailangan daw naming tumulong para mapatalsik ang nakaupo. Kapag naisakatuparan daw ito ay aasenso ang Pilipinas. Magkakaron daw ng pabahay, trabaho at oportunidad. Sa aming pagsali, kami daw ay ituturing na mga bayani. Madali kaming naniwala. Saan ka ba naman nakakita ng babayaran ka na, may libreng pagkain at magiging bayani ka pa. Lumipas ang ilang araw at nakita ko na lang ang sarili ko sa gitna ng isang kilos-protesta. Nakikimartsa at nakikisigaw sa kalye. Sumisigaw ng Demokrasya at katarungan! Ngunit di ko alam kung bakit. Sa simula ay may pagkain nga, lubos na para maibsan ang gutom para sa isang araw. Tuwing pagkatapos ng aming pagparada sa kalye ay may P120 din kaming naiuuwi. Perang kinita lang sa pamamagitan ng pagbibilad sa araw at pagsigaw ng mga katagang wala akong kinalaman. Sa sunod-sunod na rally sa Makati at Mendiola ay ilang araw din akong kumain ng libre at kumita ng pera. Ngunit sa bawat araw na lumilipas, parang paunti na nang paunti ang mga protesta. Unti-unti na din na nawawala ang pagkain at perang dating binibigay sa amin… hanggang sa nawala na ito. Ano na ang nangyari sa sinasabi nilang giginhawa daw ang buhay namin kapag napatalsik ang nakaupo? Napagtanto ko na wala din palang mangyayari. Panandaliang laman ng sikmura, panandaliang laman ng bulsa. Sa kabila ng lahat, nandito pa rin ako at naghihirap.


Kailangan ko mag-isip! Ang pagsama nga ba sa mga kilos-protesta ang daan patungo kaginhawahan ng buhay? Hindi! Dahil ginagamit lang kaming mga mahihirap kapalit ang kaunting pagkain at kaunting halangang pang-uto sa amin. Kailangan ko bang umasa sa gobyerno para magkaroon ako ng trabaho? Hindi! Dahil ako mismo ang kailangang maghanap ng trabaho o pagkakakitaan. Kailangan ko bang umasa sa pabahay? Hindi! Dahil kailangan kong paghirapan at pag-ipunan kung ano ang gusto ko. Kailangan ko bang maghintay na lang ng oportunidad? Hindi! Dahil walang magyayari sa akin sa pagtunganga at paghihintay ng oportunidad na walang kasiguraduhan na dadating. At higit sa lahat, kailangan ko bang sumigaw ng demokrasya at humingi ng katarungan? Hindi! Dahil nasa akin pa rin ang karapatan at nanatili akong malaya sa bansang ito!


Hindi natin kailangan magpauto sa mga naghihikayat sa makisama sa mga kilos-protesta at hindi rin nating kailangang intayin na tulungan ako ng gobyerno. Kailangan ko magsumikap at ito ay dapat mangsimula sa atin. Nasa atin pa rin ang mga karapatan at malaya tayong nakakagalaw sa bansang ito. Walang pumipigil sa atin upang magsumikap! Pwede natingng gawin kung ano gusto natin! Magsusumikap tayo habang maaga pa… Ikaw? Tititig ka na lang ba sa mga nagyayari araw-araw? Kailan ka magsisimula?